Martes, Marso 28, 2017

Bayani ni Amador V. Hernandez


 

- sikat na manunulat noong kanyang kapanahunan. Kilala bilang mahusay na nobelista, mandudula, mamahayag, pulitiko, kuwentista at lider ng mangagagawa. Kilala bilang makata at manunulat sa wikang tagalong. Kilala rin siya bilang “ Manunulat ng mga manggagawa”, sapagkat isa siyang pinuno ng mga Pilipinong manggagawa at sa kaniyang mga pagpuna at pagsusuri sa mga kawalan ng katarungang naganap sa Pilipinas noong kaniyang kapanahunan. Nakulong siya dahil sa pakikipagugnayan niya sa mga kilusang makakomunista. Siya ang punong tauhan sa isang bukod-tanging kasong panghukuman na tumagal ng 13 taon bago nagwakas
Ang tulang BAYANI ay nagwagi sa 30 kalaban sa timpalak-panitik sa Malolos, Bulacan, sa pagdiriwang sa Unang Araw ng Mayo noong 1928. Inampalan: Lope K. Santos, JULIAN Cruz Balmaceda at Inigo Ed. Regalado. Ayon naman kay senador Recto ito raw ay isa sa pinakamahusay na tulang tagalong sa paksang paggawa.

Ang tulang ito ay may 12 na pantig bawat taludtod.Ang tulang BAYANI na binubuo ng sampung saknong at sa bawat saknong ay may anim na taludtud,
Bahagyang ang tulang BAYANI ay gumamit ng malalalim na salita ngunit ang pagka sunod sunod bawat taludtud ay maayos at madaling intindihin at iisa lang ang nilalaman kundi ang kahalagahan ng ng mga manggagawa sa ating daigdidg. Ayon sa tula “ Taong walang saysay ang di manggagawa” ito ang mga salitang para sa akin ay nakapagtatak sa aking dibdib.

Ang tulang ito ay nakakatul;ong sa bawat isa sa ating daigdig hindi dahil ito'y panitikan kundi ito ay nakakapagbigay inspirasyon na dapat natin pahalagahan ang ating mga mangagagawa sa bansa dahil tayo higit kanino man ang dapat magpahalaga sa kanila.

Ating alamin at basahin nang mabuti upang malaman natin ang kagandahan at importansya ng mga manggagawa sa ating daigdig. Ang tulang BAYANI ay maarin ninyong mabasa sa ibaba: 




      Bayani 
  Amado V. Hernandez

Ako'y manggagawa: butil ng buhangin
sa daa'y panambak, sa templo'y gamit din;
buhay ko'y sa Diyos utang nga marahil,
ngunit ang palad ko'y utang din sa akin.
Alam ko ang batas: "Tao, manggagaling
sa sariling pawis ang iyong kakanin."

Hubad ang daigdig nang ako'y sumilang
at pikit ang mata ng sangkatauhan:
dahilan sa aki'y kaharia't bayan
ang nangapatayo sa bundok at ilang,
aking pinasikat sa gabi ang araw
at tinanlawan ko ang diwa't ang buhay.

Ako ang nagbangon ng Gresya at Roma,
ako ang nagbagsak sa palalong Troya;
ang mga kamay ko'y martilyo't sandata –
pambuo't panggiba ng anumang pita!
Kung may kayamanan ngayong nakikita,
paggawa ko'y siyang pinuhunan muna!

Ako'y isang haring walang trono't putong,
panginoong laging namamanginoon,
daming pinagpalang binigyan ng milyon
ay ako't ako ring itong pataygutom;
sila ay sa aking balikat tumuntong,
naging Mamo't Nabod ang dati kong ampon!

Sambundok na ginto ang aking dinungkal,
kahi't na kaputol, di binahagihan!
ang aking inani'y sambukiring palay,
nguni't wala akong isaing man lamang!
ang buhay ng iba'y binibigyang-buhay
habang nasa bingit ako ng libingan!

Ang luha ko't dugo'y ibinubong pawa
sa lupang sarili, nguni't nang lumaya,
ako'y wala kahi't sandakot na lupa!
Kung may tao't bayang nangaging dakila,
karaniwang hagda'y akong Manggagawa,
nasa putik ako't sila'y sa dambana!

Kung kaya sumulong ang ating daigdig,
sa gulong ng aking mga pagsasakit;
nilagyan ang tao ng pakpak at bagwis,
madaling nag-akyat-manaog sa langit;
saliksik ang bundok, ang bangin at yungib,
ang kailaliman ng dagat, saliksik!

Ang mga gusali, daan at sasakyan,
ay niyaring lahat ng bakal kong kamay;
sa tuklas kong lakas – langis, uling, bakal,
naghimala itong industria't kalakal;
nguni't lumawak din naman ang pagitan
ng buhay at ari... nasupil ang buhay!

Ang mundo'y malupit: ngayo't ako'y ako,
nakamihasnan nang dustain ng mundo
gayon pa ma'y habang ang tao ay tao,
gawa ang urian kung ano't kung sino;
batong walang ganda'y sangkap ng palasyo,
sanggol sa sabsaba'y naging isang Kristo.

Tuwi na'y wal'in man ako ng halaga,
iyan ay pakanang mapagsamantala;
ang ginto, saan man, ay gintong talaga,
ang bango, takpan man, ay di nagbabawa;
itakwil man ako ng mga nanggaga,
walang magagawang hadlang sa istorya!

Kung di nga sa aki'y alin kayang bagay
ang magkakasigla at magkakabuhay?
Puhunan? Likha ko lamang ang Puhunan!
Bayan? At hindi ba ako rin ang Bayan?
Walang mangyayari pag ako ang ayaw,
mangyayaring lahat, ibigin ko lamang!

Sa wakas, dapat nang ngayo'y mabandila
ang karapatan kong laong iniluha,
ang aking katwiran ay bigyan ng laya
at kung ayaw ninyo'y ako ang bahala
sa aking panata sa pagkadakila...
Taong walang saysay ang di Manggagawa!











Walang komento:

Mag-post ng isang Komento

Bayani ni Amador V. Hernandez

  Amador   V. Hernandez - sikat na manunulat noong kanyang kapanahunan. Kilala bilang mahusay na nobelista, mandudula, mamahayag, ...